4 pumila sa pantry ni Angel positibo sa Covid-19

APAT sa mga pumila sa community pantry na inorganisa ni Angel Locsin noong isang linggo ay positibo sa Covid-19.

Ayon sa report, tatlo rito ay asymptomatic habang ang isa ay nakararanas ng pananakit ng ulo at nawalan ng pang-amoy at panlasa.

Kabilang ang apat sa mga residente ng Brgy. Holy Spirit, kung saan itinayo ni Angel ang pantry, na sumailalim sa libreng swab test.

Matatandaang nanawagan ang Quezon City government sa mga taong pumila sa food drive ni Angel na magpa-test matapos hindi masunod ang Covid health protocols.

Bunsod nito, muling nanawagan ang QC health department sa mga taong pumila sa pantry na magpa-test na.

Maaaring magpatala sa http://bit.ly/QCfreetest o tumawag sa mga numerong 8703-2759, 8703-4398, 0916-122-8628, 0908-639-8086, 0931-095-7737 mula Lunes hanggang Biyernes. –A Mae Rodriguez