2 patay sa Makati shooting

Dalawa ang nasawi ang binaril at natagpuang patay sa loob ng kanilang van sa Makati City Miyerkules ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Bonifacio de Vera Jr. at Remigia de Vera, kapwa 62 anyos at residente ng Quezon City, ayon sa report ng pulisya.

Binaril umano ang dalawa ng isang lalaki na hindi pa nakikilala sa loob ng kanilang van na Toyota Grandia van (ADA-1463) na nakapark sa harap ng isang Korean restaurant sa Jupiter st., Brgy. Bel-Air, alas 1:35 ng hapon.

Bago ito, may dumating na isang lalaki at babae na lulan ng Mitsubishi Mirage (MDO-1772) at nag-park sa harapan ng sasakyan ng mga biktima.

Pumasok umano ang babae sa van ng mga biktima at maya-maya ay bumalik sa kanyang sasakyan.

Matapos nito, ang kasama niyang lalaki ang bumaba at nagtungo sa sasakyan ng mga de Vera saka sila pinagbabaril.

Hindi na umabot nang buhay ang mga biktima sa ospital.