SA pagbubukas ng bagong taon, nangako si Vice President Sara Duterte na ipagpapatuloy ang pagbibigay ng serbisyong tapat sa publiko.
Sa kanyang New Year’s message, hinimok ni Duterte ang mga Pilipino na batiin ang bagong taon ng may positibo at progresibong pananaw.
“Sa pagtatapos ng taong 2023, nais kong salubungin natin ang bagong taon 2024 ng may positibo at progresibong pananaw sa buhay para sa ating magandang kinabukasan bilang mga Pilipino,” anya.
Binalikan din niya ang naging “makulay” na 2023 na anya ay may halong tagumpay, pagsubok at pag-asa.
“Ang taong 2023 ay isang makulay na taon para sa ating bansa at pati na rin sa buong mundo — maraming istorya ng tagumpay, pagsubok at pag-asa ngunit bilang isang Pilipino, tayo ay nananatiling malakas at matatag.”
“Kaya naman ang ating pananaw sa kinabukasan ay mananatiling malinaw: na patuloy tayong maghahatid ng serbisyong tapat,” pangako ng bise presidente.
“Patuloy nating paiigtingin ang ating hangarin para sa kapayapaan at kaginhawaan ng bawat pamilyang Pilipino. Hindi kailanman tayo magpadadaig sa ano mang pagsubok na darating.”
“Hangad ko na sa pagsapit ng Bagong Taon, ang bawat isa sa atin ay magkakaroon ng panibagong pag-asa, lakas, at matibay na determinasyon na magsumikap at magkaisa para sa ikabubuti ng bawat Pilipino,”dagdag pa nito.
“Kasama ng aking buong pamilya, ako ay nagdarasal na ang bawat isa sa inyo ay magkakaroon ng mapayapa, ligtas, at maligayang pagdiriwang ng bagong taon.