PINAG-IISIPAN ng Commission on Elections (Comelec) na maglagay ng mga voting precincts sa loob ng mga mall sa buong bansa para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chair George Garcia, ikinokonsidera ng komisyon ang paglalagay ng mga voting center sa mga mall para na rin sa “convenience” ng mga botante.
Anya, maiiwas nito ang mga mahahabang pila sa mga voting precincts sa mga pampublikong paaralang elementarya.
Ikinokonsidera rin anya nila ang paglalagay ng mga presinto sa iba pang pampublikong lugar sa mga barangay para hindi na nagkukumpulan ang mga botante sa paaralan tuwing halalan.
“There are other public places within a barangay…why don’t we use those public places in a barangay instead of crowding in elementary schools?” anya.
Gayunman, isasailalim pa rin ang mga ito sa konsultasyon dahil marami anya ang hindi pabor sa paglilipat ng mga presinto sa mall.
“During elections, the lines are always long, with people in wheelchairs and walking sticks. It’s pitiful, so I hope they agree to have our voting done in malls,” dagdag pa ni Garcia.