PERA. Bigas. Bulaklak. Tsokolate. Damit.
Alin sa lima ang natanggap mo sa Araw ng mga Puso?
Nakatitiyak ako na karamihan sa mga misis ay mas gustong pera ang iabot ng kanilang asawa.
Kung magiging praktikal tayong mga maybahay, bukod sa pera, pwede na rin ang isang sako ng bigas. May mga bulaklak kasi na mas mahal pa ang halaga kesa sa isang sako ng bigas.
Bilang isang maybahay, aanhin ko ang bulaklak na ilang araw lang ay malalanta, matutuyo, o mabubulok din naman. Samantalang ang isang sako ng bigas ay tatagal ng ilang linggo, at buong pamilya ko ang makikinabang.
Masaya na ako sa isang tangkay ng rosas o isang chocolate bar.
Sa mga dalaga naman, may kilig factor kasi yung aabutan siya ng kanyang manliligaw o kasintahan ng isang bungkos ng magagandang bulaklak. Hindi naman kailangang mahal, pero yung maganda ang pagkaka-ayos nito na mukhang yayamanin.
Iba-iba tayo ng pananaw kung paano natin ipagdiriwang ang Araw ng mga Puso.
Dati naman ay simple lang ang paggunita sa okasyong ito.
Nariyang mamasyal at mag-picnic sa Luneta o manood ng sunset sa Manila Bay na may hawak na sorbetes. O yung HHWW kayo o holding hands while walking sa mga parke. Nakakakilig kaya ito.
Hanggang sa naging commercialized na ang pagdiriwang ng Valentine’s Day.
Sa mga may kaya, walang issue sa pagbigay ng mamahaling regalo. Subalit sa mga taong sapat lang ang kinikita, may pressure ito sa kanila dahil, syempre, gusto nila ibigay ang best gift ever sa kanilang iniirog.
Hindi kailangang sumabay sa daloy ng uso. Kung ano ang kaya mong ibigay, at alam mong mula ito sa iyong puso, ma-appreciate ito ng tatanngap.
Sa akin, ang magandang regalo ay yung ipa-experience mo sa asawa mo o nililigawan mo o kasintahan mo ang kakaibang celebration. Sorpresahin mo siya.
Imbes na sa mamahaling restaurant kayo kumain, sa simpleng restaurant mo dalhin.
Imbes na mamahaling tsocolate, bigyan mo siya ng choc nut. Promise, masarap ito, locally made pa.
Mamahaling bouquet of flowers? Bigyan mo siya ng isang paso ng rosas. Pag naalagaan niya ito, hindi lang tatagal ang halaman, may rosas pa siya araw-araw.
Sa mga babae, huwag naman maging demanding. Yung sapat lang.
Sa mga lalaki, huwag maging pa-impress masyado kung di rin kaya. Pwede namang mag-upgrade sa susunod na okasyon.
Ang mahalaga ay kung paano ninyo ipakita sa isa’t-isa ang inyong pagmamahal, dahil pwedeng gawing araw-araw ang Valentine’s Day.