ISANG ganap na bagyo na ang namataang low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng Catanduanes at ngayon ay nagbabadyang magpaulan sa Northern at Eastern Samar.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng magdulot ng pagbaha at landslide ang mga pag-ulan na dadalhin ng unang bagyo ng taon na si “Amang”.
Itinaas naman ang Tropical Cyclone Wind Siganl No. 1 sa Catanduanes, northern portion ng Eastern Samar (Taft, Can-Avid, Sulat, Dolores, Oras, Arteche, San Policarpo, Jipapad, Maslog, San Julian) at eastern portion ng Northern Samar (Catubig, Lapinig, Gamay, Mapanas, Palapag, Laoang, San Roque, Pambujan, Mondragon).
Mananatili namang malayo sa kalupaan si Amang sa silangang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw. Inaasahan na magkakaroon ng landfall sa Bicol Peninsula area o sa nothern portion ng Samar Island.
Posibleng manatiling tropical depression si Amang hanggang Huwebes o Biyernes bago tuluyang bumalik bilang LPA.