SCRIPTED, STAGED, at PEKE ang ink sa noo ng isang padre de pamilya na sumeryoso sa tattoo challenge ng Taragis Takoyaki shop na isa lang palang April Fools’ Day prank, ayon sa social media personality na si Xian Gaza.
Sa Facebook, isina-isa ni Xian ang mga dahilan kung bakit sa tingin niya ay “for the publicity” lang ang “tattoo controversy.”
“Hindi fresh ‘yung tattoo sa noo, it means matagal na o henna lang. Hindi rin marunong umarte si Kuya. Halatang scripted. Publicity stunt lamang,” sabi niya.
Inasar din niya ang mga netizes na napaniwala ng kuwento ng Taragis Takoyaki at ng dating OFW na si G. Ramil.
“Gigil na gigil pa man din kayo. Hahaha! Sayang yung galit niyo mga tanga,” sabi ni Xian.
Iniulat kahapon na bukod sa paghingi ng tawad, personal na inabot ni Taragis Takoyaki shop na si Carl Quion ang P100,000 premyo kay G. Ramil, na naniwala sa April Fools Day prank ng establisimento.
Post ni Quion sa Facebook:
“Unexpected ang lahat ng nangyari. Eto may anak pala si Tatay na may espesyal na karamdaman.
“Wala akong intensyon na maging perwisyo sa kapwa tao ko. Sa mga nagkaroon ng negatibong pananaw sa April Fools’ Day post namin, humihingi ako ng tawad.
“Sana magsilbing aral ito sa ating lahat lalong-lalo na sa mga kapwa influencer ko o brand na nasa internet na maging responsable tayo sa lahat ng ina-upload natin.
“Hindi natin alam na may mga taong gagawin ang lahat para sa pera kaya iwasan natin na gumawa ng bagay na puwedeng makaapekto sa kabuhayan nila. Sakaling makaapekto man tayo, sigaruduhin nating maging responsable tayo at makabawi tayo sa kanila.”