Anak nagparamdam kay Dennis

“Thank you papa.” Ito ang sagot ni Leon Barretto sa birthday message sa kanya ng ama na si Dennis Padilla.

Tila sagot sa panalangin ng veteran comedian ang pagpaparamdam ni Leon, anak niya sa aktres na si Marjorie Barretto, na matagal na niyang gustong makausap at makita nang personal.

Matatandaan na ilang taon ding walang palya si Dennis sa pagbati kay Leon at sa mga kapatid nitong sina Julia at Claudia tuwing may okasyon pero walang response ang mga anak.

Kamakailan ay nagsumamo pa ito sa tatlo na kausapin na siya dahil hindi na umano niya matandaan ang huli nilang pagkikita.

“Hindi ko matandaan kailan tayo huling nagkita… Hindi ko din matandaan kailan tayo huling nag usap…sana anak…,” ani Dennis.

Sa isa pang social media post, umamin siya na gusto na niyang sumuko sa pakikipag-communicate sa mga anak dahil tila ayaw na ng mga ito sa kanya.

“Hindi ko maintindihan kung bakit yung mali lang ang nakikita, pero ‘yung mga tama na nagawa ko nung nakaraan, nung maliliit pa sila, nakalimutan na nila,” sabi niya. “Nakakapagod na…napapagod na ako. Kaya lang ‘pag dumadating yung mga special dates hindi ko matiis, hindi ko natitiis,” dagdag ni Dennis.

“Minsan, sumasama ang loob ko kasi pag pito bang mabuti ginawa ko sa’yo tapos tatlo ‘yung mali, ang natatandaan mo lang ‘yung tatlong mali, e ‘yung pitong tama, wala?” tila panunumbat niya.