KINONDENA ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang ginawang red-tagging ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines at mga driver na lalahok sa trasport strike.
“Napakamanhid naman ng ganyang pahayag. Sa halip na salubungin ng pag-unawa ang mga PUV drivers na matatanggalan ng trabaho dahil sa ipinipilit na modernization program ng pamahalaan ay inilalagay pa sila at ang mga grupong tulad ng ACT sa panganib dahil sa panrered-tag sa kanila ng bise presidente mismo,” sabi ni Castro.
Nauna nang nagbabala si Duterte sa mga gurong lalahok sa welga.
“Naranasan na ba ng mga nanrered-tag sa mga drivers kung gano kahirap ang mamasada maghapon at mag-uuwi ng kakarampot lang na kinita? O di kaya naman ay ang mga ga-blockbuster na pila ng mga pasahero o pagsabit sa jeep para lang makapasok sa eskwela o sa trabaho. Kinikilala ng mga drayber ang istorbo o kahirapang idudulot ng transport strike at humihingi sila ng paumanhin dito pero kilalanin din natin na buhay at kabuhayan ng kanilang mga pamilya ang ipinaglalaban nila dito. Maging sensitibo sana ang mga opisyal ng gobyerno sa nararanasan ng kanilang mga nasasakupan,” dagdag ni Castro.