DAPAT na magbitiw na lamang sa kanyang tungkulin si Energy Secretary Alfonsor Cusi Jr. para sa kapakanan na rin ng publiko na kaliwa’t kanan na dinadanas na dagok dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa isang kalatas, sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, dapat umalis na lamang sa kanyang pwesto si Cusi at pagtuunan na lamang ng pansin ang PDP-Laban ngayong papalapit na ang halalan.
“For everyone’s best interest Cusi should immediately resign as Department of Energy (DoE) secretary. He might as well just focus on his affairs in PDP-LABAN. Ito lang naman ang inaatupag niya at hindi ang pagresolba sa mataas na presyo ng produktong petrolyo,” ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos.
Kasabay nito, sinusuportahan ng grupo ang mga panukala para masolusyunan ang walang humpay na pagtaas ng mga oil products sa merkado.
Isa na rito ay ang pagsuspinde sa excise tax sa produktong petrolyo at ang renationalization ng Petron Corporation.
Ayon sa KMP, sa sandaling masuspinde ang pagpapataw ng excise tax, bababa ng P10 ang halaga ng gasolina kada litro habang P6 naman sa diesel.
Sa siyam na linggong sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo, inirereklamo na rin ng publiko ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at walang ginagawa rito ang departamento na hinahawakan ni Cusi.