INAMIN ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, isa sa mga inireklamo sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court noong 2017, na natatakot siyang makulong.
Inihayag ito ni dela Rosa kaugnay ng mga espekulasyon na nasa bansa na ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) para simulan ang pagsisiyasat sa “drug war” ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nanungkulan siya bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).
“Bakit, lahat ba ng nakakulong ngayon ay talagang may kasalanan? Hindi naman. Hindi ako takot na sabihin mo na meron akong na-commit na kasalanan. No. Takot ako na makulong dahil kawawa ang mga apo ko at hindi ko na makikita,” ani dela Rosa nang tanungin kung natatakot ba siyang makulong sakaling mapatunayang nagkasala.
“’Yun lang ang akin. Buti kung makulong ka lang dito sa Pilipinas, [e kung] ikukulong ka doon sa The Hague? Paano makakabisita ngayon ang apo mo? They will grow up lolo-less. Kawawa naman ang mga apo ko. I love my apo so much,” dagdag niya.