Sarah etsapwera sa Japan travel ng Gutierrez family

TODO-tanggol si Annabelle Rama sa anak na si Richard Gutierrez sa gitna ng mga balitang hiwalay na ang aktor sa asawang si Sarah Lahbati.

Sa isang panayam, ipinangalandakan ni Annabelle kung gaano kasipag na provider si Richard habang dine-describe ang asawa ng huli bilang bulagsak sa pera.

“Nakikita mo naman, hindi mo na kailangang magsalita pa. Nakikita mo na ‘yan. Si Richard trabaho nang trabaho, ‘yung isa nagwawaldas ng pera. Yun lang ang masasabi ko diyan,” aniya.

Idinagdag din ng talent manager na wala siyang panahon para sa manugang.

“Hindi ko siya nakakausap. Wala akong time makipag-usap sa kanila.”

Isiniwalat pa ni Annabelle na hiwalay na ng tirahan ang mag-asawa.

“Si Richard nasa bahay ko ngayon one month na. Pero unti-unti siyang lumilipat ng gamit sa Alabang. Lilipat na siya mga siguro after Christmas,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Annabelle na pupunta ang kanyang pamilya sa Japan para mag-celebrate ng Pasko at Bagong Taon.

“Lahat kami pupunta ng Japan. Christmas hanggang January 3. Sama-sama buong pamilya ko, minus one,” pasaring pa niya kay Sarah.