Sapakan ng mayor, vice mayor ng Tobias Fornier, Antique na-hulicam

VIRAL ang video ng away sa loob ng truck nina Tobias Fornier Mayor Ernesto Tajanlangit III at Vice Mayor Jojo Fornier na may kaugnayan sa pamimigay ng ayuda sa kanilang nasasakupan na biktima ng El Niño.


Sa video na in-upload ni Tajanlangit, makikita ang alkalde na pinahinto si Fornier sa police checkpoint.


Minamaneho ng bise alkalde ang truck ng food packs na ipamamagi niya sa mga hindi umano nabigyan ng mayor.


Nais umano ni Fornier siya mismo ang mamigay ng ayuda dahil siya ang nag-request nito mula sa provincial government.


Pero iginiit ni Tajanlangit na kailangan itong dumaan sa proseso at tamang ahensya bago ipamigay sa tao.


Ayon sa alkalde, imbes na tumalima si Fornier at dalhin ang food packs sa munisipyo para maimbentaryo at maipamigay base sa listahan ng MSWDO, nagbanta ito na ibabalik ang ayuda sa DSWD Region 6.


Para pigilan si Fornier, sumampa sa truck ang mayor at pilit na kinukuha ang susi ng sasakyan.


Dito na nagkagulo at nagpalitan umano ng suntok ang dalawa.


Ayon kay Antique Gov. Rhodora Cadiao, nasapak ni Tajanlangit si Fornier, na tinamaan sa panga.


Napigilan naman ang dalawa ng mga saksi.


Nanawagan si Cadiao sa iba pang mayor at vice mayor sa Antique na kumalma at iwasan ang mga hidwaang politikal lalo pa’t nasa state of calamity ang lalawigan dahil sa El Niño.