INATASAN ni Pangulong Bongbong Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) na tiyakin ang agarang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga retailer na apektado ng Executive Order No. 39, na nagtatakda ng price ceiling na P41 at P45 kada kilo para sa regular at well-milled rice na epektibo sa Martes, September 5.
Ayon kay Marcos, batid ng kanyang pamahalaan na maiipit ang mga retailers sa ginawa niyang price cap para sa bigas.
“Habang kami ay nasa Jakarta, ay walang tigil po ang aming pagtutok sa sitwasyon na ngayon na ating hinaharap tungkol sa bigas. Naunawaan na namin at nakita agad na mayroong mga retailers na maiipit dahil sila ay bumili ng mahal na bigas, ngayon ay mapipilitan sila maipagbili ‘yung mahal na bigas sa murang halaga,” pahayag ni Marcos sa kanyang departure statement para sa kanyang byahe sa Jakarta, Indonesia para dumalo sa 43rd ASEAN Summit.
“Kaya’t mayroon tayong plano, sa kasalukuyan, ang ating DTI, ang ating Department of Agriculture ay gumagawa ng listahan ng ating mga rice retailers. Habang ginagawa ‘yan, kinakalkula rin kung ano ang magiging lugi noong mga rice retailers dahil nga sa price cap,” sabi ni Marcos.
Idinagdag ni Marcos na inatasan na ni Trade Secretary Alfredo Pascual ang pagtatatag ng Special Task Force para matiyak ang pagsunod sa price cap.
“Sa mga kasamahan ko sa DTI na naka-assign sa rice task force, sama-sama nating gampanan ang ating tungkulin nang maayos at mahusay,” sabi ni Pascual.