IKINATUWA ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pagratipika ng Palasyo sa International Labor Organization (ILO) Convention No.190 na siyang tatapos sa karahasan at harassment sa trabaho at magbibigay sa Overseas Filipino workers (OFWs) ng kinakailangan nilang proteksiyon.
Ayon kay Villanueva, ang ratipikasyon ay positibong tugon sa Senate Resolution No. 456 na kanyang inihain noong Pebrero 2023 na nanawagan sa ehekutibo na pagtibayin agad ang Convention.
“We thank President Bongbong Marcos for heeding our call to ratify this very important ILO Convention which will provide us a critical avenue to raise the concerns of our OFWs. We don’t want a repeat of what happened to Jullebee Ranara and the numerous cases of abuses,” sabi ni Villanueva, na ang pinatutungkulan ay ang OFW na ginahasa, sinunog at pinatay ng kanyang amo sa Kuwait.
Sa datos ng Department of Migrant Workers, ang pinakamalaking bilang ng welfare cases ng mga OFW na hinawakan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) mula Enero hanggang Hulyo 2022 ay sa Riyadh na may 65,136, na sinundan ng Kuwait na may 43,225 at Malaysia na may 29,049.
Nangako rin ang Majority Leader na isusulong niya ang pagsang-ayon ng Senado sa ratipikasyon ng ILO Convention No. 190 (ILO C190) o Convention Concerning the Elimination of Violence and Harassment in the World of Work.
“We need to bring into force this new global framework to end violence and harassment at work,” ayon kay Villanueva.
“The Philippines’ ratification and concurrence are well past their due. I am hoping for the full support of my colleagues when we tackle this Convention in the plenary,” dagdag pa ng senador.