DAHIL sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero patungong mga probinsiya para sa Semana Santa, pansamantalang pinayagan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga provincial bus na bumiyahe sa ilang bahagi ng Edsa.
Papayagan ang mga provincial bus mula Abril 3 hanggang 10 sa ilang piling bahagi ng Edsa.
Ayon sa MMDA, papayagan bumiyahe ang mga provincial bus sa Edsa alas 10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw mula Abril 3 hanggang habang “round the clock” naman simula Abril 6 hanggang 10.
Ang mga bus na manggagaling sa North Luzon ay papayagan lang hanggang sa kanilang bus terminal sa Cubao, Quezon City habang ang mga bus na may byaheng South Luzon ay hanggang Pasay City lang.
Ang ginawang hakbang ay upang makatugon sa dami ng mga pasaherong uuwi ng mga probinsiya para sa Holy Week.
Matatandaan na noong 2019 unang ipinatupad ang pag-ban ng mga provincial bus na bumiyahe sa Edsa dahil sa tindi ng trapiko rito.