UMABOT na sa 98 porsyento ng mga opisyal na may ranggong heneral at colonel ang nakapagsumite na ng kanilang courtesy resignation.
“As of yesterday afternoon, nasa 98.21 percent na po iyong naka-submit po ng courtesy resignation or 935 out of 952 senior officers po iyan,” sabi ni National Police Spokesperson Col. Jean Fajardo sa Laging Handa.
Idinagdag ni Fajardo na isang five-man team ang bubusisi sa rekord ng mga opisyal ng PNP na papangalanan sa mga susunod na araw.
Isa sa mga bubuo nito ay si dating police major at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
“Inaasahan natin once makumpleto po itong five-man committee ay magsisimula po itong evaluation and processing. At siyempre, once mag-convene po sila ay pag-uusapan pa rin nila iyong parameters on how to do a way dito sa gagawin nilang evaluation at pagsusuri sa ating mga senior officer. At hinihintay din po natin na mag-convene sila, para magsimula na rin iyong process, the soonest possible time,” aniya.