HANGGANG ngayon ay wala pa ring balak bumalik sa bansa si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, isa sa idinadawit na diumano’y may kinalaman sa pagkakapatay kay Governor Roel Degamo noong Marso 4.
Kaya nga nakikiusap ang Philippine National Police at ilan pang ahensiya ng pamahalaan kay Teves na bumalik na sa bansa at harapin ang mga kasong kriminal na kanyang kinakaharap, lalo pa’t hindi rin siya pinayagan ni House Speaker Martin Romualdez na palawigin pa ang kanyang hiling na dalawang buwan na leave.
Matatandaan na lumipad ng bansa si Teves noong isang buwan para sa umano’y medical procedure. Ayon sa kongresista ayaw muna niyang bumalik ng bansa dahil sa banta sa kanyang buhay.
Marso 9 ang expiration ng kanyang leave of absence, dahilan para humingi siya kay Romualdez ng dalawang buwan pang bakasyon na tinanggihan naman ng huli.
“I strongly urge Cong. Arnie to reconsider his decision not to return. It does not sit well for a House member to flee the country rather than avail himself of all the legal remedies available to him,” pahayag ni Romualdez.
Samantala, muling tiniyak ng PNP na bibigyan ng sapat na seguridad si Teves at pamilya nito sa sandaling bumalik sila sa bansa.
“Suffice it to say, all government agencies are working together to convince Cong. Teves to come home and face the complaints against him,” ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo nitong Sabado.
“We reiterate that we are ready to provide security for him and his family when he flies back home,” anya pa.