Puregold employee takot nang lumabas ng bahay dahil sa trauma

HUMINGI na ng paumanhin ang empleyado ng Puregold makaraang pagbintangan na magnanakaw ang aktor na si Marco Neri sa Putatan, Muntinlupa branch ng establisimento noong March 10.

Sa Facebook post, ibinahagi ni Neri ang panig ng internal security guard na ipinahiya sa maraming tao.

“Ako po ay taos-pusong humihingi ng paumanhin kay Sir Marco,” ayon sa empleyada.

Tinanggap naman ni Neri ang apology.

Kaugnay nito, isiniwalat ng internal security guard na “na-trauma” ang kanyang buong pamilya sa pangyayari.

“Sa totoo lang po sobrang naging trauma po ‘yung nangyari sa amin. Hindi na po ako makalabas ng bahay. Natatakot po ako tuwing ako’y lalabas ng bahay,” aniya.

“Hindi ko po alam kung paano ko po haharapin ‘yung mga susunod na araw. Natatakot din po ako sa puwedeng mangyari sa mga anak ko dahil sa totoo lang po nato-trauma na rin sila,” dagdag niya.

Umapela rin ito sa netizens na itigil na ang pamba-bash sa kanya at bigyan siya ng ikalawang pagkakataon.