SINAMPAHAN na ng reklamo ang isang pulis na isinasangkot sa pagpatay sa barangay chairman, kagawad at tanod sa San Isidro, Leyte kamakailan.
Kinilala ang suspek na pulis na si Manuelito Sidaya, dating nakatalaga sa naturang bayan.
Base sa sinumpaang-salaysay ng barangay tanod, kabilang si Sidaya sa mga pumatay kay Elizalde Tabon, chairman ng Brgy. Daja Diot, at dalawang iba pa, nitong February 24.
Aniya, kasama niya ang biktima sa barangay hall nang dumating ang apat na salarin sakay ng dalawang motorsiklo.
Pagkababa ay agad binaril ng apat sina Rusty Andoy Salazar at Alex Bacor na nasa pintuan.
Kasunod nito ay pinasok ng apat ang kuwarto at pinagbabaril sina Tabon at Kagawad Paolo Mendero.
Sinabi ng testigo na nakilala niya ang suspek na pulis dahil madalas niya itong makita sa mga checkpoint noong kasagsagan ng pandemya.
Ayon sa kanya, nakaiwas siya sa pamamaril dahil nagawa niyang makatakas sa pamamagitan ng pagtalon sa bakod.
Iniuugnay rin ang pulis sa pagpatay kay dating Municipal Administrator Levin Bambam Mabini noong 2019 election period.