SINABI ng Phivolcs na tumaas ang pagbugay ng gas ng Bulkang Taal kung saan umabot sa 3,000 metro ang taas ng steam-rich plume mula sa Taal Volcano Island.
Idinagdag ng Phivolcs na lumikha ito ng volcanic smog o vog sa kapaligiran ng bulkan.
“Naiulat ang vog kaninang umaga ng mga mamamayan ng Munisipyo ng Balete, Laurel at Agoncillo, Batangas. Nagbuga ang Taal main crater ng 5,831 tonelada kada araw na volcanic sulfur dioxide mas mataas sa average na 3,556 tonelada kada araw nitong nakalipas na buwan,” sabi ni Phivolcs.
Idinagdag ng Phivolcs na maaring magdulot ng pangangati ng mata, lalamunan at respiratory tract ang vog.
“Ang mga taong maaaring partikular na sensitibo sa vog ay ang mga may kondisyong pangkalusugan tulad ng hika, sakit sa baga at sakit sa puso, mga matatanda, mga buntis na kababaihan at mga bata,” dagdag ng Phivolcs.
Ayon pa sa Phivolcs, patuloy na nakataas ang Alert Level 1, kung saan maaaring maganap ang biglaang phreatic explosion, volcanic earthquakes, at manipis na ashfall.