TVJ sisingilin TAPE Inc. pag ginamit logo, jingle ng ‘Eat Bulaga’

SISINGILIN nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon ang TAPE Inc. kapag ginamit ang logo at jingle ng “Eat Bulaga” sa pag-ere nito sa Lunes.

Sa panayam ng DWIZ, iginiit ni Tito na ang titulong “Eat Bulaga” ay pagmamay-ari ni Joey habang ang jingle ay likha ni Vic.

“Pwede kaming ma­ningil diyan,” hirit ng dating senador.

Ayon pa kay Tito, trademark lang sa mga merchandise ang hawak ng TAPE Inc. kaya wala itong karapatang gamitin ang pangalang “Eat Bulaga” at ang jingle.

Samantala, isiniwalat din ni Tito na pilit kinukuha ng abogado ng kumpanya ang password sa Facebook Live ng “Eat Bulaga” kahit pag-aari ito ng writer ng programa.

“Sinulatan ‘yung isang head writer namin hinihingi ang password. Yes, ang may-ari ng Facebook Live ngEat Bulaga is ‘yung creators namin, mga head writer namin. Hindi nakapangalan sa TAPE ‘yon,” dagdag niya.