SISIYASATIN ng National Bureau of Investigation ang mga ulat na maraming taga-National Capital Region (NCR) at katabing probinsya na isinailalim sa enhanced community quarantine ang nakakapuslit sa tulong ng mga “smuggler” at “trafficker”.
Siniguro ni Justice Sec. Menardo Guevarra na mananagot sa batas ang nasa likod ng pag-smuggle sa mga taong gustong “tumakas” sa NCR Plus bubble.
“I’ll direct the NBI to look into these alleged incidents of ‘human smuggling’ and conduct a full-blown investigation if there is any indication that the practice is widespread,” ani Guevarra.
Sa isang video na inilabas kamakailan ng PUBLIKO, makikita ang ilang tao na bumaba ng truck at sumakay ng van.
Mula umano sa NCR Plus bubble ang mga ito at papunta sa Quezon at Bicol Region.
Walang suot na face mask at face shield ang mga sakay ng truck.
Napag-alaman na nagpa-book ang mga ito sa isang social media site kung saan ituturo sila kung saan at anong oras sila susunduin ng truck para makalabas ng NCR Plus bubble.