APRUBADO na ng Department of Budget and Management ang pagpapalabas ng P3 bilyon fuel subsidy na ipagkakaloob sa 1.36 milyong target beneficiary na apektado ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Inaprubahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng pondo matapos matanggap ang letter request para sa pag-iisyu ng Special Allotment Release Order and Notice of Cash Allocation for the Department of Transportation’s (DOTr) FSP.
Target ng ayuda ang 1.36 milyong benepisyaryo mula sa transport group. Ibibigay ang one-time subsidy na magkakaiba ang halaga base sa applicable mode ng transportasyon na dala nito.
Inaasahan na P10,000 ang benepisyong matatanggap ng mga driver at operator ng modernized public utility jeepneys (PUJ) and modernized utility vehicle express (UVE).
Tatanggap naman ng tig-P6,500 ang mga benepisyaryo ng operator at driver ng traiditional jeepney, public utility bus, minibus, taxi, shuttle services taxis, transport network vehicle services, tourist transport services, school transport services, at filcabs.
Tatanggap din ng tig-P1,200 ang nasa deivery services habang tig-P1,000 ayuda naman ang matatanggap ng mga operator, driver ng tricycle.