DAHIL sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng petrolyo, humihirit ang mga transport group na gawing P15 ang minimum na pasahe sa jeep.
Ito ay ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Executive Director Ma. Kristina Cassion, kasabay ang pagsasabi na patuloy nilang pinag-aaralan ang mga petisyong dagdag-pasahe.
Anya alam ng LTFRB ang dinadanas na hirap ngayon ng mga nasa transport sector bunsod ng maya’t mayang pagtaas ng presyo ng langis.
“Batid po natin iyong kahilingan po nila, and the situation on the ground po tells us na nahihirapan na rin po sila,” ayon kay Cassion.
Dagdag pa ng opisyal tuloy ang isinasagawang sesyon sa mga kahilingang ito at naghihintay na lang sila ng feedback mula sa mga economic managers bago mag-isyu ng resolusyon.
“Ito iyong mga ina-assess ng board natin, in fact, naka-three executive sessions na tayo with the board and our technical persons. And [we are] considering also the feedback or the position papers of our resource persons from NEDA and other economic management ng mga agencies po ‘no,” dagdag pa nito.
Nito lang Hunyo 8 nang aprubahan ng LTFRB ang provisional fare increase na P1 para sa mga pampublikong jeep sa National Capital Region, Central Luzon, at Calabarzon.