NAGPALABAS ang Department of Budget and Management (DBM) ng P1.193 bilyon sa National Food Authority (NFA) para pondohan ang one-time rice assistance para sa lahat ng mga empleyado ng pamahalaan.
Inaprubahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa Notice of Cash Allocation (NCA) ngayong Abril 2023.
“As directed by President Ferdinand R. Marcos Jr., we shall ensure the welfare of our government workers by giving them assistance for their household needs and, at the same time, boosting the production of our rice farmers,” sabi ni Pangandaman.
Inaasahang makikinabang sa rice assistance 1,892,648 kawani ng gobyerno kasama na ang Job Order (JO) at Contract of Service (COS) personnel. Nauna nang pinirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Administrative Order No. 2 na nagbibigay ng uniform na 25 kilo ng bigas sa mga state employees.