KABILANG ang heart attack sa pangunahing dahilan ng mortality sa hanay ng mga Pinoy.
Ayon sa World Health Organization, tatlo sa bawat 10 Pilipino ang namamatay dahil sa atake sa puso.
Ikaw paano mo ba iniiwasan ang nakakatakot na sakit na ito?
Nakakabahala talaga ang heart attack. Pero may mga paraan para maiwasan ito. At iyan nga ay sa pamamagitan ng matinding disiplina at pagbago ng iyong lifestyle.
Narito ang ilang tips para iwas sa heart attack:
1. Kumain ng mga pagkaing mabuti para sa iyong puso gaya ng prutas at gulay. Kumain din ng karne na mayaman sa protina at mga pagkaing may taglay na saturated fats gaya ng itlog at butter at monounsaturated fats na mga pagkain gaya ng nasa nuts at avocado. Iwasan ang mga pagkain na nagtataglay ng mga refined carbohydrates gaya ng nasa tinapay at mga processed foods.
2. Ehersisyo. Maging physically active kahit sa mga simpleng paglalakad at pagbibisekleta. Kung malapit lang naman ang pupuntahan, mas makabubuting lakarin na lamang ito upang matulungan ang iyong puso na maging malusog. Ang paggamit ng hagdan ay malaking tulong din sa halip na sumakay sa elevator.
3. Panatiliin ang normal na timbang. Ang pagiging overweight ay maaaring magdulot ng iba’t ibang problema sa ating kalusugan gaya ng pagkakaroon ng diabetes, heart attack at cardiovascular diseases.
4. Umiwas sa alcohol drinks. Totoo man na mabuti ang red wine sa puso, hindi naman kailangan na tunggain ang isang bote nito. Limitahan ang pag-inom nito sa isang baso. Ang sobrang alcohol ay maaaring makapagpataas ng blood pressure na makasasama sa puso.
5. Huwag manigarilyo. Ang paninigarilyo ay kabilang sa mga pangunahing sanhi ng heart attack at stroke. Ang tobacco ay lubhang mapanganib sa ating kalusugan.