HINDI pa tapos ang kwento ng #lugawisessential.
Kahapon ay inanunsyo ni Marvin Ignacio, ang Grab delivery rider na sinita ng mga opisyal ng Brgy. Muzon sa San Jose del Monte, Bulacan, na kakasuhan niya ang dalawang barangay staff na nang-harass umano sa kanya ilang araw makaraang mag-viral ang kanyang “lugaw video”.
Ayon kay Ignacio, nadagdagan ang kanyang trauma nang lapitan siya at pagsalitaan ng masasakit nina Rudy Bernardino at Tomohiro Aoki noong Huwebes ng gabi.
Sinabi ni Ignacio na bibili lamang siya sa Lugaw Pilipinas nang sitahin siya ng mga ito.
Agad siyang nagpunta sa presinto at ipina-blotter ang dalawa matapos ang komprontasyon.
“Pinag-iinitan na po ako rito sa lugar namin. Nakokompromiso na po ‘yung buhay ng pamilya ko dahil sa pangha-harrass. Gusto ko po sana silang bigyan ng leksiyon, harapin po nila ‘yung ginawa nila sa akin para hindi na po ito pamarisan kung may iba pa pong gustong gumawa nito is matakot na po. Sa legal action na lang po tayo magharap,” ani Ignacio.