NAIS ni Sen. Raffy Tulfo na mas patalasin pa ang pangil ng batas laban sa mga nagmamaneho nang lasing o nasa impluwensya ng droga.
Sa kanyang Senate Bill No. 2546, ipinunto ni Tulfo na sa kabila ng umiiral na Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, marami pa rin ang bilang ng drunk driving cases.
Ayon sa datos, pahayag ni Tulfo, 353 sa 402 aksidente sa kalsada na nirespondehan ng Land Transportation Office (LTO) Law Enforcement Service-Anti-Drunk and Drugged Driving Enforcement Unit ay kaso ng drunk driving.
Samantala, sa tala ng PNP Highway Patrol Group ay tumaas sa 59 noong November 2022 mula sa 31 noong Oktubre ng parehong taon ang bilang ng mga aksidente sa kalsada na ang responsable ay mga lasing na driver.
“There is an urgent need to pass legislation that calls for stricter penalties on driving under the influence. No one should ever experience the pain and suffering felt by the Palupit family, and all the other families victimized by one person’s poor decisions,” ani Tulfo.
Tinutukoy ng senador ang pagkamatay ng mag-asawang Gilbert at Aileen Palupit at tatlo nilang anak makaraang mabangga ng pickup truck ng isang Alyssa Mae Pacrin Abitria ang kanilang sasakyan.
Ayon kay Tulfo, naamoy ng mga imbestigador ang alak sa hininga ni Abitria subalit nagnegatibo ito sa alkohol nang suriin isang araw matapos ang insidente.
Sinampahan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, multiple damage to properties at mga paglabag sa ilalim ng RA 10586 si Abitria pero nakalaya ito makaraang magpiyansa ng P120,000.
Sa ilalim ng panukala ni Tulfo, mahaharap sa hanggang P1 milyon na multa at sususpindihin ang lisensya nang dalawang taon ang driver kung magresulta sa homicide ang aksidente.