HANDA si Pangulong Bongbong Marcos na harapin si dating Pangulong Duterte para talakayin ang isyung kinakaharap ng Sonshine Media Network International (SMNI).
“President Marcos is always available to President Duterte. The President will contact him now to ask if he wants a meeting,” pahayag ni Communications Secretary Cheloy Velicaria-Garafil nitong Linggo.
Isa ang programa ni Digong na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” sa SMNI ang sinuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) noong Dis. 18, bunsod ng kanyang tila mga pagbabantang ginawa laban kay ACT Teachers Rep. France Castro.
Kasunod nito, naglabas din ang National Telecommunications Commission (NTC) ng 30-day suspension order laban sa network.
Nauna nang sinabi ni Duterte na nais niyang makipag-usap kay Marcos hinggil sa isyu ng SMNI.