PATAY ang 73-anyos na lola nang salpukin ng electric bicycle sa Marikina nitong Biyernes.
Ayon sa ulat, abala ang driver ng e-bike sa pagse-cellphone kaya hindi nito napansin ang biktima na si Luzviminda Bisares na tumatawid ng kalsada.
Hindi rin agad dinala ng suspek ang matanda sa pagamutan kaya nang dalhin na ito sa ospital ay hindi na naisalba ng mga doktor ang buhay nito.
Nagtamo ng brain injury at bali ng buto ang biktima, ayon sa mga kamag-anak.
Palusot ng suspek, may tinitingnan umano siya sa kanyang bulsa kaya huli na nang makita ang matanda.
Dagdag niya, nag-panic siya kaya nawala sa isip na itakbo ang biktima sa ospital.
“Malapit na po ako sa bahay nila tapos noong nandoon po kami papasok sa eskinita ay nahilo po siya kaya pinaupo ko po muna siya saglit. Hindi na po kami umabot kasi nahilo po siya nang inupo ko po siya doon,” aniya.
Hindi naman naniniwala ang mga kamag-anak sa ikinatwiran ng suspek.
“Sabi niya may tinitingnan daw siya sa bulsa niya pero nasa CCTV at lahat noong tao doon nakita na nagse-cellphone po siya while driving,” sabi ng apo ni Bisares sa isang panayam.
“Sabihin na nating aksidente pero bakit mo hinayaang manlamig, lumamig ‘yung lola ko? Bakit hindi ka nag-insist na ipagamot ‘yung lola ko o ipadala sa ospital para sana madugtungan pa ‘yung buhay niya?” dagdag nito.
Sasampahan ng reklamo ng reckless imprudence resulting in homicide ang suspek.