TINIYAK ng mga local onion producers na sapat ang suplay ng pulang sibuyas hanggang sa Kapaskuhan sa kabila ng kakulangan sa suplay ng puting sibuyas.
Sa panayam sa DZBB, sinabi ni Katipunan ng mga Samahan ng mga Magsisibuyas ng Nueva Ecija General Manager Arnel Llamas na base sa konsultasyon ng mga magsisibuyas sa Bureau of Plant Industry (BPI), aabot ang suplay ng pulang sibuyas hanggang katapusan ng Disyembre.
“Base po sa pakikipag-usap namin sa Plant Industry (BPI), aabot ng December 2022 ang suplay ng sibuyas,” sabi ni Llamas.
Inamin naman ni Llamas na noon pang Hulyo naubos ang suplay ng puting sibuyas sa kanilang mga cold storage.
Aniya, umabot ng 350,000 bag ng sibuyas ang naani mula Pebrero hanggang Marso ngayong taon, kung saan 50,000 rito ay puting sibuyas.
“Sa ngayon po wala na po tayong stocks ng puting sibuyas sa mga storage natin,” aniya.
Base sa monitoring ng Department of Agriculture, naglalaro ang presyo ng pulang sibuyas mula P110 hanggang P160 kada kilo sa mga palengke samantalang wala namang mabili na puting sibuyas.