SINABI ng National Water Resources Board (NWRB) na patuloy ang pagbaba ng lebel ng Angat Dam sa kabila ng mga nararanasang mga pag-ulan sa bansa.
Sa isang panayam sa radyo, idinagdag ni NWRB Executive Director Sevillo David Jr. na kasalukuyan nasa 176.17 metro lamang ang lebel ng tubig ng Angat Dam, mas mababa ng apat na metro sa minimum operation level na 180.
“Kahit may mga pag-ulan sa Metro Manila, hindi ito nakaaabot doon sa watershed ng Angat Dam para sana ma-recharge ito at umakyat sa mas kumportableng lebel para mapangalagaan ang water supply sa Metro Manila at para sa irigasyon dito sa Bulacan at Pampanga,” sabi ni David.
Gayunman, tiniyak ni David na sapat pa ang suplay para matustusan ang pangangailangan sa Kalakhang Maynila.
“Ang pinaghahanda natin ngayon ay yung pangangailangan natin sa susunod na mga araw at susunod na buwan partikular sa susunod na taon. Kasi ninanais natin mas maganda ang lebel ng Angat Dam bago pumasok ang 2023,” dagdag ni David.