INIHAYAG ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia ang plano ng ahensiya na gumamit ng “send-to-all” hybrid machines na may high-speed scanning capacity para sa 2025 midterm elections.
Ginawa ni Garcia ang pahayag sa lingguhang Balitaan sa Harbor View ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) nitong Miyerkules.
Ayon kay Garcia, plano rin nilang gumamit ng 13-inch screen kung saan mabeberipika ng mga botante kung nabilang nga ang kanilang mga boto, kasabay ang pagtiyak na mas magiging transpatent at mabilis ang resulta ng eleksyon.
“We will fully comply with the law. Kung ito yung VCM (vote counting machine) ng isang presinto, itong machine na ito pag nagpadala magpapadala sa City Hall kung saan kina-canvass (election results), magpapadala sa PPCRV, magpapadala sa citizens’ arm, sa KBP, sa majority party, sa minority party, sa Congress so send to all. Ngayon, kung isa dun magsalita na iba ang kanyang result, bahala saha sa buhay niya samantalang lahat, pare-parehas,” paliwanag ng opisyal.
Giit nito, na ang sinasabing makina ang pinakamatinding hakbang para maging transparent ang gagawing bilangan ng boto.
“Wala na kong makikitang mas matinding transparency than that. Paano makakasiguro na ang binoto namin ‘yan ang binilang ng machine? Pero me isa pa ‘yung laging tanong ng tao, ‘Paano kami nakakasigurado na ‘yung balotang hinulog namin yan ang binilang ng machine? Oo me nakita kami resibo pero yung binilang ‘yun ba ‘yun?”
At upang matugunan ang nasabing palaging tanong ng botante, may solusyon na anya sila para rito — ang “hybridized system”
“Paano masisiguro ng botante na ‘yung hinulog niya nabilang? Diyan papasok yung ‘hybridized’ system. Hindi ko pabibilang ang balota manually dahil pag binilang mo ang 800 balota per precinct aabutin tayo ng apat na araw tapos i-autoumate mo pa,” anya.
Meron umanong hybrid system na ang gamit ay single machine lamang.
“Hindi hybrid na minachine mo tapos binilang mo isa-isa. ‘Yun ang purpose kung me screen na malaki, kung kaya 15-17 inches mas maganda,” dagdag pa ni Garcia.
Sinabi rin ng Comelec official na minamadali na rin ang terms of reference para maisagawa na ang bidding at awarding para masimulan na rin agad ang pagpapakalap ng impormasyon at pag-aaral sa bagong sistema.
“Kasi kung maganda nga ‘yung makina, kung hindi naman nauunawaan ng tao, hindi rin po sila basta makakaboto nang maayos. Trust will always begin with voters’ education and information.”