NAKALABAS na ang bagyong Fabian sa Philippine Area of Responsibility pero patuloy na magiging maulan sa maraming bahagi ng Luzon dulot ng southwest monsoon o habagat.
Magiging maganda naman ang lagay ng panahon sa kalakhang lugar sa bansa.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), patuloy na makararanas ng mga manaka-nakang pag-ulan ang Ilocos Region, Zambales, at Bataan, samantala magiging makulimlim ang kalangitan na may pabugso-bugsong pag-ulan sa Metro Manila, Batanes, Babuyan Islands, Abra, Benguet, at Occidental Mindoro.
Sa Kabisayaan, magiging mainit at maalinsangan ang panahon at posibleng makaranas ng isolated thunderstorms, ayon sa weather specialist na si Meno Mendoza.
Ang Mindanao ay magiging mainit at maalinsangan pa rin, dagdag nito.