KINASTIGO ng Department of Transportation (DOTr) ang mga motorista na pilit dumadaan sa EDSA busway na nakalaan lamang sa mga pampasaherong bus.
Inilarawan ni DOTr Executive Assistant to the Secretary Jonathan Gesmundo bilang “entitled” ang mga motorista na naniniwala na hindi sila sakop ng mga batas-trapiko.
Ilan sa mga tinukoy ng opisyal ay ang mga driver nina Sen. Chiz Escudero at dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson at ang nagpakilalang pamangkin ng isang heneral.
Reklamo ni Gesmundo, ang mga pasaway na driver na gaya ng nabanggit ang dahilan kung bakit madalas ay nagkakawindang-windang ang dapat sana ay tuloy-tuloy na biyahe ng mga commuter.
“Ewan ko kung ang daming hindi alam o talagang pasaway. Pero ang para sa amin ay bakit ang daming mga driver na feeling entitled na hindi sila sakop ng rules ng busway?” sambit ni Gesmundo.
Ipinaalala niya na bukod sa mga pampasaherong bus, maaari lamang dumaan sa Edsa busway ang ambulansya na may pasyente, truck ng bumbero, mga pulis na may operasyon, at sasakyan ng Pangulo, Vice President, Senate President, House Speaker, at Chief Justice.