Covid-19 mobile hospital, vaccination site itatayo sa Luneta

TULOY na ang plano ng pamahalaang- ungsod ng Maynila na makapagpatayo ng temporary mobile hospital at drive-thru vaccination site sa Rizal Park.


Kahapon ay inanunsyo ni Tourism Sec. Berna Puyat na pumayag na ang National Parks Development Committee sa panukala ni Mayor Isko Moreno na magtayo ng Covid hospital sa Burnham Green.


Matatandaang sinabi ni Moreno kay NPDC Executive Dir. Cecille Romero na plano ng lokal na pamahalaan na mag-“design, construct, maintain, and manage the (Covid) hospital ‘up to its logical conclusion,’ at no cost to the national government.”


Nangako rin ang alkalde na ibabalik sa dating ayos ang Burnham Green matapos itong gamitin.


Tatanggapin sa itatayong mobile hospital ang mga nakakaranas ng mild to moderate symptoms ng COVID 19.


Samantala, binabalak namang ilagay ang drive-thru vaccination site sa harap ng Quirino Grandstand.


Sinabi ni Puyat na ang mga pasilidad ay hindi lang para sa mga Manilenyo.