TODO-PAUMANHIN ang content creator na si Boy Tapang makaraang sitahin ng mga taga-Bangko Sentral ng Pilipinas kaugnay sa video ng pagpapalipad niya ng saranggola na gawa sa P1,000 bills.
Inilabas ni Boy Tapang sa Facebook ang video ng kanyang public apology at ang pag-uusap nila ng mga opisyal ng BSP.
Napag-alaman mula sa social media personality na kinastigo siya ng mga taga-BSP dahil pambabastos sa pera ang kanyang ginawa.
“Gusto ko lang po humingi ng sorry sa Bangko Sentral ng Pilipinas dahil doon sa ginawa ko…Hindi ko po intensyon na paglaruan ang pera dahil ako po ay galing sa mahirap so ‘yung pera ay malaking value sa akin. Pinapahalagahan ko po ang pera,” aniya.
Paliwanag niya, gusto lamang niyang magpasaya ng tao at hindi niya batid na maaari siyang makasuhan dahil doon.
“Ginawa ko po ‘yung content for entertainment purposes only. Kasi naisipan ko pag gagawa ako ng normal na saranggola na gawa sa plastik lang, napa-common na,” dagdag niya.
Para ipakita na seryoso siya sa paghingi ng paumanhin, binura ni Boy Tapang ang nasabing video.
Pakiusap din niya sa mga nag-repost ng nasabing video: “Pakibura na lang ng video na ‘yon kung ayaw n’yong maimbestigahan kagaya ko.”