INATASAN ng isang mataas na opisyal ng Department of Agriculture (DA) ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na alamin kung nasaan ang P100 milyong pondo para sa produksyon ng asin sa harap ng namamamatay na industriya sa bansa.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban na naglaan ng P100 milyon ang pamahalaan para sa pag-aasin, bagamat hindi naman ginamit ng BFAR.
“For the last two or three years, wala akong nakitang activity na ginagawa ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources kundi kumuha ng pera at pabayaan na. May P100 million pala sila ng 2021 na naka-program sa kanila pero ngayon pina-followup ko na yun pwedeng gastusin para mapalaki ang lumiit na industriya natin,” sabi ni Panganiban.
Nauna nang napaulat na 93 porsiyento ng asin na kinakailangan ng bansa ay galing sa ibang bansa.
“Kung lalaki ang iyong area ng pag-aasin, liliit ang importasyon. Kung maliit ang yung area, malaki ang importation, ganun lamang naman ang case niyan,” dagdag ni Panganiban.