“Anak, nasaan ka? Uwi na. Magbuhay ka na ng cellphone para makausap ka na namin. Mahal na mahal ka namin. Diyos ko, tulungan mo po kami makita na o mkausap ang aming bunso. Wag n’yo po siyang pababayaan.”
Ito ang panalangin ng ina ni Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon na ilang araw nang nawawala at hindi nagpaparamdam sa pamilya.
Napag-alaman na noong October 12 pa hindi makontak si Catherine, isa ring guro sa Batangas.
“Baka po mababasa to ng kasama ni Catherine Camilon kagabi na ka work niya, hindi lang po namin alam kung sino, di po matandaan ang pangalan,” ayon sa kapatid niya na si Chin-chin sa Facebook post.
“Pasabi naman po baka alam niyo po kung nasaan siya, kagabi pa po siya tumawag 8 pm, kaninang umaga pa po naka off ang phone nya, hanggang ngayon at hindi din po nag oonline, palagi po sya nag aupdate sa amin, ngayon lang po talaga hindi,” dagdag ni Chin-chin.
Mensahe niya sa kapatid: “Sana makabalik ka na sa atin, madami nag aalala sayo kung nasaan ka halos dalawang araw ka ng walang update sa amin, wala namang alis na wala kang update, sana okay ka lang kung nasan ka man. Mahal na mahal ka namin.”
Nananawagan din ang ina ni Catherine na si Rose.
“Anak nsn ka? uwi na..magbuhay kn ng cp para makausap kn nmin..mahal n mahal ka nmin….Dyos ko tulungan mopo kame makita na oh mkausap ang aming bunso wag nio po ciang pbbyaan,” aniya sa Facebook post.
“Ilayo nio po cia sa kapahamakan. Panginoon wla po akong ibng hinihiling para sa knila kundi ang kaayusan nila..ingatan nio po cia,” dagdag niya.
Hindi pa nakikita at nakakausap ng kanyang pamilya si Catherine habang isinusulat ang balitang ito.
Kinatawan ni Catherine ang Tuy, Batangas sa ginanap na Miss Grand Philippines 2023 noong Hulyo.