‘Asset’ itinumba, isinilid sa kahon; 3 suspek timbog

DINAKIP nitong Martes ang tatlong lalaki na hinihinalang nasa likod ng pagpatay sa kanilang babaeng kapitbahay na isinilid sa balikbayan box at iniwan sa Tondo, Maynila noong Sabado ng gabi.


Nasakote sa follow-up operation sina Rey Mark Incipedo, 27, delivery rider; William Barroso, 31, tricycle driver, at Russeller Pajarillo, 50, pawang mga residente ng Tambunting St., Sta Cruz, Maynila.


Unang nahuli sina Incipedo at Barroso makaraan ang backtracking na isinagawa ng pulis. Ikinanta naman nila si Pajarillo na utak ng krimen at nag-utos sa kanila na dispatsahin ang kahon.


Bago ito, nahuli sa CCTV noong Sabado ng gabi si Incipedo na sakay ng motorsiklo na dumadaan sa Capulong st., Brgy. 109.


Pagsapit sa madilim na bahagi ng lugar ay iniwan niya ang kahon.


Isang residente ang nakakita sa kahon kaya hinabol niya ang rider sa pag-aakalang nalaglag lang ito.


Nang tingnan ang kahon, halos himatayin ang residente nang makitang katawan ng babae ang laman nito.


Pinatay sa sakal ang biktima, 32, residente rin ng Tambunting st. at hinihinalang asset ng pulisya, base sa maitim na bakas sa leeg nito.