Annyeong: South Koreans top visitors ng Pinas noong 2023

KUNG gaano ka-love ng maraming Pilipino ang K-pop at K-drama, bawi-bawi lang din naman dahil mga taga South Korea ang siyang pinakamalaking bilang ng mga turista ang dumayo sa Pilipinas noong nakaraang taon, ayon sa Department of Tourism.

Umabot sa 5,450,557 international visitors ang bumisita sa Pinas mula Enero 1 hanggang Disyember 31, 2023 at 23.41 percent nito ay mula sa bansa ng BTS at sandamakmak na K-drama na kinaaaliwan ng milyon-milyong Pinoy, ayon sa year-end report ng DOT.

Pangalawa sa listahan ay mga Amerikano na umabot sa 16.57 percent, sinundan ng Japanese (5.61 percent) at Chinese (4.84 percent).

Samantala, sinabi ng DOT na mabilis ang pag-recover ng tourism industry matapos ang tatlong taong pandemya dulot ng Covid-19.

Sa mahigit 5.4 milyong dumating sa bansa, 91.8 percent ay mga foreign tourists habang 8.20 percent ay mga overseaso Filipinos.

Mataas ito sa 4.8 milyon inaasahang bilang ng mga turista na dadayo sa Pinasa noong 2023.

Noong 2022, nasa dalawang milyong mga turista lang ang dumating sa bansa.