ABS-CBN hindi tatantanan ni Gadon

ITINUTULAK ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na muling buksan ang imbestigasyon ukol sa aniya ay kuwestiyonableng pagmamay-ari ng kinatitirikang lupa ng ABS-CBN sa Quezon City.

Kamakailan ay sinabi ni Gadon na liliham siya sa Kamara de Representantes para muling magisa ang Kapamilya Network.

Paliwanag ni Gadon, kaya walang maipakitang titulo ng lupa ang ABS-CBN ay dahil pagmamay-ari ito People’s Television o PTV-4.

Hirit ng Gadon, Blbasta na lamang pinasok ng pamilya Lopez at inangkin ang lupa.

Maging ang dokumento ng pag-turnover ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa mga kagamitan ng PTV-4 sa ABS-CBN ay walang maipakita ang kumpanya.

Isasabay ani Gadon ang pagpapadala ng sulat sa pagdinig ng Kongreso sa franchise renewal ng Meralco.

Bago ito, nitatrat ng opisyal ang ABS-CBN dahil puro kasinungalingan at paninira umano ang ginagawa ng network.

“Puro kasinungalingan ang ginagawa ng ABS-CBN dapat talagang sunugin ‘yang studio na ‘yan e. Sunugin ‘yung kanilang mga pamamaraan para hindi na nila gawin,” ani Gadon.

“Dapat ‘yung ABS-CBN na ‘yan nu’ng binawian ng franchise ‘yan eh… lumipat na kayo ng istasyon dahil ‘yang ABS-CBN na ‘yan, walang kuwentang istasyon ‘yan, puro paninira,” dagdag ng opisyal.

Paliwanag niya, pinalabas sa ulat ng Kapamilya Network na sinabi niya na haka-haka o espekulasyon lamang ang kahirapan sa bansa.

“Isipin mo na isinaksak nila sa bibig ko, na sinabi ko raw e wala nang kahirapan sa Pilipinas kaya naman nag-react itong mga Gabriela at saka ano… walang kuwentang istasyon ‘yan,” sambit niya.

Sa isang panayam, iginiit ni Gadon na “sa mga nagsasabi na napakahirap ng buhay ngayon ay sila lang ang nagsasabi niyan, haka-haka lang nila ‘yan” habang pinupunto ang mga napakaraming tao sa mall at mga bagong sasakyan sa kalsada.

“Ang katotohanan, magpunta ka sa mga mall, punong-puno. Pumunta ka kahit sa mga probinsya, yung mga branches ng [fast food chains], punong-puno. Ibig sabihin, mataas ang purchasing power ng mga Pilipino,” aniya.

“Lumabas ka ng kalsada, napakaraming bagong kotse, napaka-traffic. Anong ibig sabihin niyan? Maraming nakakabili ng kotse, which means maganda ang ekonomiya,” dagdag niya.