72-anyos bugbog-sarado sa anak

HIMAS-rehas ang 33-anyos na binata na binugbog ang kanyang 72-anyos na ina sa Quezon City nitong Miyekules ng hapon.

Naawat naman ng mga kapitbahay ang suspek na si Joseph Bravo, ng Lagkitan, Compound, Brgy. Sauyo, bago pa nito mapatay sa gulpi ang inang si Erlinda.

Sa report, kararating lang ng bahay ng matanda nang kumprontahin ito ng anak alas-4:30 ng hapon.

Napag-alaman na nagpunta si Gng. Bravo sa barangay hall ng Sauyo para mag-asikaso ng mga dokumento.

 “P*** mo! Saan ka nagpunta?” sigaw ng suspek sa ina.

Nang hindi sumagot ang matanda ay lalong nagalit ang suspek. Nilapitan nito ang biktima saka binugbog habang pinagbabantaang papatayin ito.

Hinimatay sa bugbog ang biktima kaya agad itong dinala sa Quezon City General Hospital habang dinakip ng mga barangay tanod ang suspek.

Isasailalim sa pagsusuri ang suspek upang madetermina kung gumagamit ito ng droga.