HINDI payag ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa panukalang batas na naglalayong bigyan ng limang-araw na wellness leave ang mga manggagawa.
Sa isang panayam, iginiit ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis na hindi napapanahon ang panukala lalo na’t nasa gitna ng pandemya ang bansa at buong mundo.
“Alam mo sa dami ng leave na ibinibigay, meron tayong leave na according to law, yung sickness leave, vacation leave, napakadami na lalo pa nga sa mga babae. Sa mga babae nga kapag kinuwenta mo ang leave, pati maternity leave eh halos wala nang matirang nagtatrabaho,” sabi ni Ortiz-Luis.
Idinagdag ni Ortiz-Luis na dapat ay tutukan ng gobyerno kung paano magbubukas muli ang mga negosyong nagsara dahil sa pandemya.
“Ang isipin muna natin paano makakagawa ng jobs. Ang dami na ngang nagsarang kompanya, lalagyan mo pa ng mga ganyan,” aniya.