4 miyembro ng Philippine Navy sugatan sa water cannon ng China

SUGATAN ang apat na miyembro ng Philippine Navy matapos i-water cannon ng China Coast Guard ngayong Martes sa West Philippine Sea.

Ayon sa National Security Council (NSC), nagsasagawa ng resupply mission ang mga nasabing miyembro ng PN at sakay ng Unaizah Mae 4 (UM4) nang paulanan sila ng water cannon ng CCG.

“The use of water cannons by the CCG vessels shattered the windshield of UM4, causing minor injuries to at least four personnel on board,” ayon sa kalatas ng NSC.

Madali namang nilapatan ang sugat ng mga PN personnel ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard na sakay naman ng BRP Sindangan.

Una nang napaulat ang banggaan ng PCG at CCG vessels sa WPS na nagdulot “minor structural damage” sa sasakyan ng Pilipinas, ayon kay Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea.

“Throughout the operation, the PCG vessels faced dangerous maneuvers and blocking from Chinese Coast Guard vessels and Chinese Maritime Militia,” ayon kay Tarriela sa X.

“Their reckless and illegal actions led to a collision between MRRV-4407 and China Coast Guard 21555 that resulted in minor structural damage to the PCG vessel,” dagdag pa nito.

Ikalawang insidente na ito ng collision. Nauna ang insidente noong Disyembre matapos paulanan din ng mga sasakyan ng China ang mga bangka ng Pilipinas.