16 nagpa-online raffle, timbog

DINAKIP ang 16 katao makaraang magsagawa ng online raffle nang walang permit sa Biñan, Laguna nitong Miyerkules.


Armado ng search warrant, sinalakay ng PNP Anti-Cybercrime Group ang lugar kung saan nila-livestream ng grupo ang raffle.


Hindi na nakapalag ang pitong babae at siyam na lalake nang dakpin sila ng mga pulis. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa PD1602 o ang batas laban sa illegal gambling.


“Illegal po ‘yan dahil wala silang permit sa PAGCOR, sa GAB,” ani PNP-ACG chief Police Colonel Jay Guillermo.


Nakumpiska sa mga suspek ang puting motorsiklo na premyo sa raffle.


Nasamsam rin ang mga tiket na may mukha ng mga sumali sa raffle, mga gadget sa pagla-livestream at tambiolo.


Nakadetine ang mga suspek sa PNP Cybercrime Headquarters sa Camp Crame.


Noong nakaraang taon, nagsagawa rin ng operasyon ang PNP-ACG at PAGCOR laban sa online raffle na isinasagawa sa Bataan.