ISANG araw, sa gitna ng isang masukal at misteryosong gubat, mayroong naninirahang isang naulilang kuwago—si Wako.
Si Wako ay hindi katulad ng ibang kuwago sa gubat.
Maliit pa siya nang mawalan ng mga magulang, at mula noon, kinailangan niyang itaguyod ang kanyang
sarili para mabuhay sa kagubatan. Bagamat wala siyang nakagisnang pamilya, si Wako ay likas na matalino at hangad na matuto sa buhay.
Bawat gabi, habang binabalot ng takipsilim ang liwanag ng araw, nakaugalian na ni Wako na dumapo sa mga malalaking sanga para magmasid sa paligid. Pinapanood niya ang mga unggoy na naglalambitin mula sa mga sanga ng puno nang buong gilas; pinapakinggan ang mga nakakatuwang kwento ng mga loro; at ang nakakamanghang talambuhay ng isang matalas at maalam na matandang pagong kung paano ito nakipagsapalaran sa lupit ng kagubatan.
Nais din ni Wako na magkaruon ng kaalaman at karunungan, kaya’t lumapit siya sa pinakamatalinong nilalang sa gubat—ang daang-taong matandang pagong na si Elara.
Si Elara ay kilala sa kanyang napakalawak na kaalaman at karunungan. Maraming mga hayop ang sa
kanya—mula sa pinakamaliit na insekto hanggang sa pinakamalalaking elepante—ay komukonsulta at lumalapit dahil sa kanyang katalinuhan.
Isang araw, nagkaroon ng lakas ng loob si Wako para lapitan si Elara.
“Magandang araw, Anak,” ang bati ng Pagong kay Wako, sa malambing niyang tinig na marahan at salita. “Ano ang bumabagabag sa iyong murang isipan, Iho?”
“Dakilang Elara,” ani ni Wako, “ako’y isang ulilang kuwago lamang, ngunit ako’y may malalim na hangarin na maging matalino tulad po ninyo. Maaari n’yo po ba akong bahagian ng mga ginintuan aral, at turuan ng inyong mga pamamaraan?”
Matagal tinitigan ni Elara si Wako—waring pinapakiramdaman nito kung hanggang saan ang kagustuhan nitong matuto.
‘Di naglaon, pumayag si Pagong na turuan ang Kuwago ng mga pamamaraan sa buhay—mapa-tubig, lupa, at hangin. Sa ilalim ng kanyang patnubay, natutunan ni Wako ang tungkol sa mga bituin at mga
konstelasyon, ang ritmo ng gubat, ang sipol ng hangin, at ang lihim sa paghampas ng alon.
Itinuro niya kay Wako ang katangian ng pagkakaroon ng kalmadong kaisipan sa gitna ng mga pagsubok at kaguluhan, ang kahalagahan ng pagsusuri, at ang kabuluhan ng pakikinig sa mga binubulong ng mga
diwata ng gubat.
Sa ilalim ng patnubay ni Elara, unti-unting lumalawak ang katalinuhan ni Wako gaya ng mga sanga ng pinakamataas na puno sa gubat. Natutunan niyang basahin ang mga bituin, isalin ang mga mensahe sa bawat pagaspas ng mga dahon, at unawain ang mga awit ng mga ibon.
Nagdaan ang mga taon, at lumaki si Wako bilang isang ibong may natatanging kaalaman at katalinuhan—angat siya sa mga kapwa kuwago, at kinaiinggitan ng ibang ibon. Niyakap niya ng buong puso’t isipanang mga itinurong aral ni Elara—at unti-unti siyang nakilala sa buong kagubatan dahil sa kanyang husay sa pagsusuri at kasanayan sa pakikipag-usap.
Sa kabila ng kanyang natatanging talino, itinuturing pa rin siyang isang kuwagong putok-sa-buho—lumaking walang gabay ng mga magulang. Malimit minamaliit at tinutukso.
Isang araw, isang matinding kaguluhan ang sumalubong sa gubat.
Dumating ang isang malaki at mabangis na Leon. Dahil sa kanyang lakas, naging ugali na niya ang mang-api ng iba’t-ibang hayop. Dahil dito, hindi na makapamuhay nang payapa’t tahimik ang mga hayop sa gubat dahil sa hambog na leon.
Kung kaya’t nagpasya ang mga hayop sa kagubatan na magkaroon ng isang pulong kung saan pag-uusapan nila ang paraan upang pigilan ang Leon mula sa pang-aabala, at tuluyan itong palayasin sa gubat.
“Kailangan nating mapatalsik ang hambog na leon na ‘yan!” ani ng Elepante. “Ako’y naniniwala na kailangan nating hanapin ang isang kampiyon sa ating hanay na siyang magbibigay sa kanya ng leksyon.”
Ang mga hayop ay nag-uunahan sa pagpalakpak at nagsusumigaw sa galak, ngunit walang ni isa man sa mga hayop ang nais na harapin ang Leon. Tumingala lamang sa langit ang Hyena, sumipol lamang ng patagilid ang Ahas, at kahit ang Buwaya ay nagpatuloy lamang sa kanyang paglalangoy sa putik. Wala sa kanilang mga hayop ang nagkaroon ng lakas-loob na labanan ang Leon.
Hanggang sa dumating ang isang Kuwago at nagsabi: “‘Wag kayong mag-alala mga kasama. Ako ang siyang haharap sa Leon!”
May ilang mga hayop ang tumawa. May mga nagsabing nababaliw na ang kuwagong si Wako.
Ngunit dahil wala nang iba pang nagkaroon ng lakas ng loob, wala silang magawa kundi sumang-ayon sa
Kuwago.
Nagsimulang kumalat ang mga kwento sa gubat na mayroong isang kuwago na handang makipagharap sa leon sa kanyang lungga. Nang marinig ito ng Leon, ‘di napigilan nitong humalakhaw, at inalipusta ang kakayahan ng Kuwago.
Kaya naman, kinabukasan, sa pagbubukang-liwayway, gumising nang maaga ang Leon at naghihintay para kaharapin ang nagtatapang-tapangang ibon.
Lahat ng mga hayop ay naroon—ngunit hindi dumating ang kuwago. Lumipas ang mga oras, hindi pa rin nagparamdam si Wako. Ang araw ay unti-unti nang lumulubog at nagsisimula nang umuwi ang lahat ng mga hayop nang sa wakas ay dumating ang Kuwago.
“Bakit ngayon ka lang nagpakita?” galit na singhal ng Leon.
“Patawad po, Ginoong Leon!” ani ng Kuwago. “Nakasalubong ko po sa daan ang isang malaking leon, at sobrang takot ko po’y ako’y nagtago sa mga puno. Kailangan kong maghintay hanggang sa siya ay makatulog bago ako pumunta rito! Sa totoo lang po, nagpapasalamat akong kayo ang kailangan kong harapin at hindi siya!”
Hindi makapaniwala ang Leon sa balitang dala ng Kuwago sa kanya. “Mayroon pa bang isang mas malakas na leon kaysa sa akin?” tanong niya kay Wako.
Opo, Ginoong Leon. Ngunit sa gabi lang po siya lumalabas sa kanyang lungga,” tugon ni Wako
“Wala akong pakialam! Dalhin mo ako agad doon sa leong iyon,” pautos na sabi nito sa kuwago.
Kaya naman, nang lumalim ang gabi, dinala ni Wako ang hambog na leon sa isang malapit na balon.
Ang buwan ay nasa kanyang pinakamaliwanag na tampok. At ang balon ay tumambad para makita nila.
“Ang huli kong nakita ay pumasok ang malaking leon sa loob para matulog,” salaysay ng kuwago.
Sinilip ng Leon ang balon at sumigaw nang napakalakas. Ang kanyang sariling boses ang sumigaw pabalik at nadagdagan pa ng makailang ulit na alingawngaw. Ang kanyang sigaw ay naging pitumpu’t-pitong beses na mas malakas.
“Totoo nga—ang leong iyon ay mas malaki kaysa sa akin!”
Takot na takot ang hambog na Leon kaya’t mabilis itong kumaripas ng takbo—at hindi na ito muling nagkita pa sa gubat.
***
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Sa ating kwento, ang mga tao na nagkaroon ng mga pagsubok sa buhay ay madalas magpakita ng labisna katapangan kapag hinaharap ang mga hamon.
Ang mga ulilang tulad ni Wako ay madalas magkaroon ng matibay na paniniwala sa sarili at determinasyon. Natutunan nilang malampasan ang mga hadlang at umasa sa kanilang sariling lakas upang mabuhay at magtagumpay.
Sa buod, ipinapaalala sa atin ng kwento na ang mga taong nakayanan ang mga malalaking hamon sa buhay ay maaaring magkaroon ng kahanga-hangang lakas, kakayahan, at potensyal.
Ito ay nagtuturo sa atin na hindi tayo dapat agad-agad manghusga sa iba at dapat tayo ay handang magbigay ng suporta’t gabay sa kanila.
Sa huli, sa pamamagitan ng pagkilala at pagrespeto sa mga kakayahan ng bawat isa, maaari tayong magbuo ng mas inklusibo at nagmamalasakit na komunidad.