Si Katotohanan at si Kasinungalingan

ANG kwentong ito ay hango sa mga sipi ni Kahlil Gibran tungkol sa Kasinungalingan, at batay sa larawang ipininta ni Jean-Leon Gerome noong 1896 na nagpapakita sa Katotohanan na lumalabas sa isang balon.

Ayon sa parabula, isang araw, nagtagpo si Katotohanan at si Kasinungalingan. At sinabi ni Kasinungalingan kay Katotohanan, “Sadyang napakaganda at kasiya-siya ang araw ngayon, hindi ba?”

Napabuntong-hininga si Katotohanan na may halong pagdududa. Tumingala ito sa langit. Napansin nitong maaliwalas ang panahon, at sumang-ayon: “Tunay nga na ang araw ngayon ay napakaganda’t kasiya-siya.”

Ilang linggo rin na magkasama ang dalawa. Hindi nagtagal, nagsimula silang maglakad at mamasyal hanggang sa makarating sila sa isang kaakit-akit na balon.

Tinikman ni Kasinungalingan ang tubig sa balon at kanyang sinabi kay Katotohanan: “Ang tubig ay napakasarap at sariwa. Tara, sabay tayong maligo.”

Hindi kaagad naniwala si Katotohanan, kaya nagpasya itong tikman ang tubig at natuklasan niya na ang tubig nga ay napakasarap. Kaya pareho silang naghubad at nagsimulang maligo sa balon.

Hindi nagtagal, biglang tumalon palabas ng balon si Kasinungalingan at tumakas dala-dala ang damit ni Katotohanan.

Galit na galit, umakyat papalabas ng balon si Katotohanan at hinabol si Kasinungalingan upang bawiin ang kanyang mga damit—para itong baliw na tumatakbo sa mga lansangan nang nakahubad.

Napansin ng buong Mundo na sumisigaw nang malakas ang hubad na Katotohanan, ngunit ang mundo’y ayaw itong lapitan o tingnan man lamang. Sa halip, tumingin ang Mundo sa malayo. Tila ang Mundo pa ang siyang galit nang makita ang Katotohanan ng nakahubo, at hinamak ito nang walang pakundangan.

Matagal na hinanap ng kaawa-awang Katotohanan ang kanyang mga ninakaw na damit—ngunit tila wala nang kabuluhan pang hanapin ang mga ito. Nagpasya itong bumalik na lamang sa balon ng walang saplot na anupaman. Hubo. Nakahubad.

At minarapat na lamang nito na magtago sa loob ng balon dahil sa kahihiyan.

Mula noon magpahanggang ngayon, patuloy na naglalakbay si Kasinungaligan suot ang damit ni Katotohanan—nagbibigay kasiyahan sa Mundo at dala-dala’y mga kakaibang mga kuwento’t balita para bigyan ang lipunan ng ibang bersyon ng katotohanan.

Masaya si Kasinungalingan suot ang damit ni Katotohanan, at patuloy siyang bumubuo ng mga kathang-isip na kwento dahil kanyang nalaman na ang Mundo ay walang interes na malaman ang tungkol sa hubad na Katotohanan.

Ngunit may isa pang pahina sa parabulang ito…

Nang bumalik si Katotohanan sa balon, nakita niya ang mga naiwang damit ni Kasinungalingan, ngunit minarapat niyang hindi ito kunin o isuot.

Bumalik ang kawawang Katotohanan sa balon ngunit nagtago na lamang ito dala ng kahihiyan.

Hindi naglaon, nagkaroon ng lakas ng loob na lumabas mula sa balon si Katotohanan at nagpasyang muling maglakad ng walang saplot sa mga nayon at lansangan.

Mabigat mang tanggapin, noon pa man hanggang ngayon, sa mata ng marami, mas madaling tanggapin ang Kasinungalingan na may damit ng Katotohanan, kaysa harapin at tanggapin ang isang hubad na Katotohanan.


PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Sa kasalukuyang mundo na puno ng maling impormasyon, kasinungalingan at mga mapanlinlang na mga kuwento’t balita, ang parabulang ito ay napapanahon upang maitampok yaong mga alternatibong katotohanan na agad nating tinatanggap at pinaniniwalaan.

Ang Katotohanan ay maaaring lumakad nang hubo’t hubad, ngunit ang Kasinungalingan ay kailangang palaging balutin ng damit at bihisan.