Payabangan

MULING nagkita-kita ang tatlong magkakaibigang aso sa parke kung saan madalas nagtitipon-tipon ang mga alagang hayop ng mga mayayamang pamilya tuwing Sabado.

Masaya sa parke. At nang muling nagkita ang tatlong magkakaibigang aso, hindi maiwasang magpasaring ang isa’t isa.

Tulad ng nakagawian, nagkumustahan hanggang sa muling napagkwentuhan kung gaano kayaman ang kanilang mga amo, at ang mga bahay na pinagawa ng mga ito.

Naunang nagkwento si Shikoku, ang asong Hapon.

“Banzai! Alam ba ninyo na nagpagawa ang amo ko ng bahay na kasinglaki ng kolosiyum sa Roma. Sa sobrang laki, kapag pumasok ka sa loob, aabutin ka ng limang oras bago ka makalabas,” pagyayabang nito.

“Ganun kalawak ‘yung bahay?” tanong ng isang nakikinig na pusang Siyames na tila namangha sa kwento ng asong Hapon.

“Sore wa tadashīdesu! Ganoon nga,” pagtitiyak nito.

“Das dummes zueg! Kung sa yaman at yaman lang naman, mas matindi ang amo ko!” hirit ni Alsatan, ang asong Aleman.

“Nagpagawa ito ng bahay sa Europa. Sa sobrang yaman, halos sampung beses ng kolosiyum sa Roma ang laki nito. At kapag pumasok ka sa loob, kailangan mong magbaon ng maraming pagkain dahil aabutin ka ng pitong araw bago ka makalabas.”

“Huh, ganun kalaki ang pinagawang bahay?” tanong muli ng Siyames na halos lumuwa ang mga mata sa pagkamangha.

“Das ist richtig! Totoo ‘yan,” pagtitiyak ng asong Aleman.

“Tsk, tsk, tsk… mga walang kwenta! Naghihirap na ba ang mga amo ninyo?” panunuyang tanong ni Ayam, ang asong Pinoy. “Ang liliit ng mga bahay ng amo ninyo kung ihahambing sa pinagawang bahay ng amo ko!”

“Muridayo! Ibig mong sabihin, may mas malaki pa ba sa sampung beses na laki ng kolosiyum ng Roma?” may pagdududang tanong ng asong Hapon.

“‘Yung amo ko, nagpagawa ng bahay sa disyerto. Meron walong daang kwarto, dalawang libong banyo, at tatlong daang kusina. Sa sobrang laki, kapag bumisita ka roon, aabutin ka ng apat na buwan bago makalabas!” kwento ng hambog na Ayam.

“Grabe! Kung ganoon, napakalaki nga ng bahay ng amo mo,” pagsang-ayon ng Siyames sa salaysay ng ng asong Pinoy.

“Talagang napakalaki!” patotoo ni Ayam sa pusang Siyames.

Sa ‘di kalayuan, napansin ng tatlong hambog na aso ang isang askal na kanina pa nakikinig sa kanilang usapan. Kaya nilapitan ito ni Ayam at binulyawan.

“Hoy, asong kalye! Bakit ka pasilip-silip d’yan? May problema ka ba sa amin?” malakas na kahol ni Ayam.

“Wala po mga kuya… Pasensya na po kayo… Naluha lang po ako sa mga kwento ninyo tungkol sa inyong mga amo,” malumanay na sagot ng askal.

“Ano’ng nakakaiyak roon at naluha ka?” tanong ng asong Aleman.

“Taga-rito ka ba?” palahaw na tanong ng asong Hapon.

“Nagawi lang po ako dito sa parke at nagkataon lang pong narinig ko ang inyong usapan,” pakumbabang sagot ng asong kalye.

“Eh, bakit ka nga naluluha?” tanong ng asong Pinoy.

“Nakakahiya man po, pero naalala ko po kasi yung amo kong kumupkop sa akin noong ako’y tuta pa…” maamong sagot ng askal.

“Sa hitsura mong iyan, ‘wag mong sabihing mas mayaman ang amo mo kaysa mga amo namin?!” paalipustang wika ni Shikoku.

“Ay, hindi po… hindi po mayaman ang aking amo,” pahayag ng askal. “Sa katunayan po, tindero siya. Nagtitinda po siya ng mga pinatuyong daho’t halaman,” pahayag ng askal.

“Tindero lang pala… Akala ko naman milyunaryo ang amo mo,” paghamak ni Alsatan.

“Naiiyak po ako dahil naiinggit ako sa mga bahay ng mga amo po ninyo. Iba po talaga kapag mayaman ka—mabilis lang po pumasok at mabilis din lumabas,” ani ng askal.

“Bakero! Anong mabilis?! ‘Yung mansyon ng amo ni Ayam sa disyerto, eh, inaabot nga ng apat na buwan bago makalabas—sa palagay mo mabilis pa ‘yun?” nagtatakang tanong ng asong Hapon.

“Naku, maliit lang po ang lugar na tinutuluyan ng amo ko—at hindi rin po mansyon. Pero inabot na po ng ilang taon doon ang aking amo mula nang siya’y pumasok, at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin po siya nakakalabas,” sambit ng asong kalye.

“Huh, bakit ganoon katagal? Eh, saan bang lugar ‘yung tinutuluyan ng amo mo?” tanong ng tatlong mayayabang na aso.

“Ah, sa Muntinlupa lang po, mga kuya—at sa susunod na taon pa po siya makakalabas.”



PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Balita namin, hindi pa rin nakakalabas ang amo ng askal. Nagkaroon daw ng aberya sa lugar na kanyang tinutuluyan. Malamang sa malamang, aabutin pa ito ng ilang taon bago tuluyang makalabas.